Ibinasura ng isang korte sa Davao del Norte ang dalawang kasong kriminal na kinahaharap ni Porferio Tuna Jr, konsultant sa kapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) para sa Southern Mindanao. Ang desisyon na may petsang Disyembre 19 ay kaugnay ng mga kasong serious illegal detention at robbery with violence laban sa kanya.

Kinatigan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 31 ang motion to quash ng kampo ni Tuna. Alinsunod sa desisyon ng korte, ang dalawang kaso ay saklaw ng kasong rebelyon ni Tuna sa RTC Branch 57 sa Mabini, Davao de Oro, alinsunod sa Hernandez Doctrine.

Ang Hernandez Doctrine ay pumapatungkol sa isang desisyon ng Korte Suprema ng Pilipinas. Nakasaad dito na naa-absorb o nakapailalim sa kasong rebelyon ang karaniwang mga krimen na ginawa para isulong ito (rebelyon). Kabilang sa mga karaniwang krimen ang pagpatay, pagsunog, o pagnanakaw na ginawa sa balangkas ng rebelyon.

Itinuring ng mga abugado ni Tuna mula sa Union of People’s Lawyers in Mindanao (UPLM) ang desisyon ng RTC 31 bilang “landmark” o isang signipikaneng interpretasyon ng batas.

Matapos ibasura ang mga kaos, ipinag-utos ng korte na palayain si Tuna. Gayunman, nananatiling nakakulong si Tuna dahil sa kasong rebelyon.

Si Tuna, 60, ay inaresto noong Oktubre 2, 2024 ng Military Intelligence Battalion (MIB) ng 10th Infantry Division sa Barangay Mankilam, Tagum City, Davao del Norte. Nagpapagaling siya noon mula sa mga sakit at karamdaman.

Nagsilbi siyang konsultant ng NDFP sa pakikipag-usapang pangkapayapaan sa gubyerno ng Pilipinas noong 2016 sa pagitan nito at ng rehimeng Duterte. Nagbigay siya ng mahalagang kaalaman sa Negotiating Panel ng NDFP tungkol sa sitwasyon ng mga magsasaka, manggagawa sa plantasyon, at mga minoryang grupo sa Southern Mindanao.

Palayain si Tuna, iba pang konsultant

Matapos ilabas ng korte ang desisyon nito, muling nanawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) para sa agarang pagpapalaya kay Tuna.

Ayon kay Marco L. Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido, inilantad ng desisyon ng korte ang “malisyosong taktika” ng rehimeng Marcos ng pagsasampa ng patung-patong na mga kaso para matagalang ikulong at patahimikin ang mga konsultant ng NDFP. Nagbabala rin siya sa posibilidad na muling sampahan ng mga kasong kriminal si Tuna para mapanatili sa kulungan.

Dagdag niya, ang pag-aresto at pagkulong kay Tuna ay tahasang paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Isa itong kasunduan sa pagitan ng gubyerno ng Pilipinas at ng NDFP na nagbabawal sa magkabilang panig na gumawa ng mga aksyong mapanghiganti sa negosyador at tauhan sa kapayapaan ng kabilang panig.

Sabi pa ni Valbuena, ang patuloy na detensyon kay Tuna at 14 na iba pang konsultant at istap sa negosasyong pangkapayapaan ng NDFP ay hindi nakakatulong sa pagpapalakas ng tiwala sa mga pagsisikap na ipagpatuloy ang negosasyong pangkapayapaan. “Mula nang pinirmahan ang Oslo Joint Statement noong Nobyembre 23, 2023, kasama ang NDFP, ay kabi-kabilang balakid na ang ipinatupad ni Marcos at kanyang mga kinatawan, kabilang ang mga upisyal militar, para pigilan ang pag-usad ng pormal na negosasyong pangkapayapaan,” aniya.

Hinimok ng Partido ang lahat ng mga lokal at internasyunal na mga organisasyon sa karapatang-tao, mga tagapagtaguyod ng kapayapaan at demokratikong grupo na suportahan ang mga panawagan na palayain si Tuna. “Kaisa rin kami ng mamamayang Pilipino sa kanialng panawagang palayain ang halos 700 bilanggong pulitikal sa buong bansa,” ayon kay Valbuena.

The post 2 kaso laban kay NDFP Consultant Porferio Tuna Jr, ibinasura ng korte appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.