Iniulat ng BPO Industry Employees Network (BIEN) Pilipinas noong Enero 8 na nagsampa ng reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang mga quality assurance (QA) analyst ng kumpanyang TaskUS sa Clark, Pampanga. Inireklamo ng mga QA ang kumpanya dahil sa pagtanggal sa kanila sa trabaho matapos ipailalim sa “floating status” sa tabing ng “automation.”
Ang mga QA ay ang mga empleyadong tagamasid o tagatiyak ng maayos na trabaho ng mga ahente ng BPO. Sila ang tagapagtulak na maabot ng mga ahente ang kota na itinatakda ng pamunuan ng kumpanya. Ang TaskUs Clark ay humahawak ng mga kliyente at akawnt na sumasaklaw sa pangangasiwa sa food delivery at elektronikong komersyo hanggang sa teknolohiya sa pinansya at “trust and safety” o content moderation.
Ang mga empleyadong sinisante ay nagtrabaho sa kumpanya sa tagal na lima hanggang pitong taon. Ayon sa BIEN Pilipinas, ang mga tinanggal ay itinulak na pumaloob sa tinatawag na programa ng “redeployment” na kinailangan ng mga interbyu at pagtatasa para sa mas mababang pusisyon nang walang garantiyang makatatanggap ng katumbas sa kasalukuyang tinatamasang bayad.
Binigyang diin ng BIEN Pilipinas na ang sinapit ng mga empleyado sa TaskUs Clark ay manipestasyon lamang ng isang mas malawak na krisis sa industriya. Mula pa noong Nobyembre 2025, marami nang natanggap na katulad na ulat ang grupo hinggil sa mga paglabag sa karapatan sa paggawa sa mga BPO. Hindi bababa sa 245 na mga ulat ang nakuha nito sa mga empleyadong nagreklamo na ipinailalim sila sa “floating status,” iligal na sinisante, o ipinailalim sa hindi maayos na kalagayan sa paggawa.
Anang grupo, dahil humarap sa kawalang katiyakan o labis-labis na presyur, marami sa mga empleyadong ito ang napilitang na magbitiw. Dagdag ng BIEN Pilipinas, natulak ang mga empleyadong ito na isakripisyo ang kanilang pagiging regular at mahabang karanasan.
Nanawagan ang grupo sa mga kapwa empleyado sa BPO na magpadala ng kanilang hinaing sa grupo at magkaisa. “Hindi magbabago ang sistema hanggang hindi tayo organisado,” ayon sa BIEN Pilipinas. Tuluy-tuloy ngayon at pinalalakas ng grupo ang kampanya para sa seguridad at dignidad ng mga empleyado sa trabaho.
The post Mga empleyado ng TaskUs Clark, nagsampa ng reklamo sa NLRC appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

