Mga naliliwanagang sundalo at tunay na patriyotiko,

Mainit na rebolusyonaryong pagbati!

Batid naming hindi kayo manhid sa kasalukuyang kaganapan ng ating lipunan. Matingkad na isyu ang laganap na korapsyon ng bulok na estadong kinakatawan ng reaksyunaryong gubyerno ni Ferdinand Marcos Jr. Nalantad hindi lamang ang usapin ng flood control at iba pang imprastraktura ng DPWH kundi hanggang sa mga serbisyong panlipunang may pondo naman pala ngunit hindi buu-buong natatamasa ng ating mga kababayan.

Kabilang din sa mga pondong kinukurakot ay ang mga pondo sa inyong ahensya sa ilalim ng TIKAS ng AFP modernization, intelligence funds ng PNP, Barangay Development Program at E-CLIP ng NTF-ELCAC at iba pa na tiyak ang mga matataas na opisyal nyo lamang sa AFP at PNP ang nagpapasasa. Masisikmura nyo bang ang pondong nakapangalan sa inyo na gagamitin umano para sa serbisyo sa mamamayan ay ibinubulsa lamang ng iilan sa inyong mga opisyal?

Ang mga pondong ito ay dapat sanang tinatamasa ng kapwa nyo mamamayang Pilipino na nagdarahop sa hirap ng buhay at krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Habang nagpapasasa ang mga korap na opisyales ng gubyerno nababaon sa utang ang bayan. Masahol pa, ang pondong hinuhuthot ay mula sa dugo at pawis na pinaghirapan ng bayan para kumita sa anyo ng mga buwis at iba pang kaltas sa kanilang sahod o sweldo. Hindi abot kaya ang mga serbisyong panlipunan kagaya ng kalusugan at edukasyon at kung meron man ay kulang na kulang sa kalidad.

Sa ganitong panahon ng kaguluhan at garapal na katiwalian, marapat lamang na mapaisip kayo. Habang kayo’y itinutulak ng inyong mga upisyal upang mag-operasyon laban sa kapwa ninyo maralita, nagpipyesta sa yaman ang namamahala sa inyong gubyernong magnanakaw. Asahan ninyong hindi hahabulin ng batas sina Marcos Jr, at iba pang matataas na opisyal na sangkot sa kontrobersiya ng flood control projects. Ang imbestigasyon ng ICI ay walang kwentang palabas lamang at di nakapagtatakang ang kasuhan lamang ay mga engineers, ilang contractors, ngunit hindi si Marcos Jr. at iba pang big boss na malalaking pulitiko.

Sa kapal ng mukha ni Marcos Jr, garapalan nitong itinulak ang pambansang budget sa 2026 na puno ng insertions at pork barrel. Ito ang tunay na mukha ng gubyernong pinagsisilbihan ng AFP at PNP. Ang isinusumbat sa inyong konstitusyon na dapat ninyong protektahan ay palusot lamang ng mga magnanakaw upang sila ay hindi nyo talikuran.

Sa pagnanais ng gubyerno ni Marcos Jr. na “manatili ang inyong katapatan”, at huwag pumanig sa panawagan ng mamamayan na “lahat ng kurakot, dapat managot”, muli na naman kayong binibili ng pakulong dagdag sahod at benipisyo. Hindi ito dapat ikatuwa o ipagbunyi. Kung tutuusin, ang salapi na ipinangsuhol sa inyo ay kapalit ng buhay at kinabukasan ng bayan, laluna ng mga kapamilya ninyong mahihirap din. Isipin niyo rin kung paano ipinagkakait ng gubyernong ito sa inyong mga pamilya ang makalidad na serbisyong pampubliko, libreng ospital, maayos na transportasyon at iba pa.

Panahon na upang pag-isipan ninyong mabuti ang inyong paninindigan. Patuloy nyo bang itututok ang inyong baril sa kapwa ninyo dukha na nag-aarmas lamang dahil sa kahirapan at naghahanap ng tunay na hustisya? O sasamahan niyo kami na itutok ang ating mga baril laban sa mga sakim at pahirap sa bayan?

Mga kababayan naming sundalo at pulis, talikuran ang hari ng kurapsyon na si Marcos! Paglingkuran ang sambayanan at hindi ang dayuhan at mga mandarambong!

Para sa tunay na kalayaan at demokrasya,
Ka Cleo del Mundo
Spokesperson, Melito Glor Command
NPA Southern Tagalog

The post Talikdan ang kurakot na gubyerno! Suportahan ang pakikibaka ng mamamayan! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.