Tinawag ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Batangas (Eduardo Dagli Command) na isang malaking kasinungalingan ang ibinalita ng 59th IB na nakuhay nitong mga armas ng hukbong bayan sa Rosario, Batangas noong Disyembre 15. Ayon sa BHB-Batangas, lumang tugtugin na at katawa-tawa ang kasinungalingang ito ng batalyon at ng 2nd ID.
Sa ulat ng militar, nakuha nila sa isang “imbakan ng BHB” sa Barangay San Isidro sa bayan ng Rosario ang iba’t ibang armas. Kabilang sa sinasabing nakuha ang isang M1 Carbine, shotgun, bandolier, dalawang magasin ng M16 at mga bala. Pinalalabs pa nito na isinuplong ng isang residente sa lugar ang naturang imbakan.
“Scripted, walang katotohanan at pakitang-gilas lamang ng AFP at PNP ang pekeng balita ng pagkakahukay di umano ng mga gamit pandigma ng NPA sa Rosario, Batangas,” ayon kay Ka Gregorio Caraig, tagapagsalita ng yunit ng BHB sa prubinsya. Aniya, batid ng mga taga-silangang Batangas na isa lamang panloloko ang sinasabing pagkarekober ng mga nakatagong armas ng hukbong bayan.
Ayon kay Ka Gregorio, paraan din ito ng mga upisyal ng 59th IB para makakuha ng dagdag na kurakot sa pabuyang makukubra sa kada armas at “tagumpay” laban sa hukbong bayan. “Parang hindi sumasapat ang pondong ninanakaw nila sa kabang-yaman mula sa E-CLIP at BDP, kaya panay pa ang paghahanapbuhay nito sa pamamagitan ng pekeng pagkahukay ng mga armas at kagamitan ng NPA,” aniya.
Sa ilalim ng E-CLIP o Enhanced Comprehensive Local Integration Program, naglalaan ang gubyerno ng hindi bababa sa ₱65,000 kada indibidwal na “susuko” sa gubyerno. Samantala, nasa ₱10,000 hanggang ₱25,000 ang katumbas na pabuya ng kada armas na “isusuko” depende sa klase.
Liban sa Batangas, sunud-sunod rin ang iniulat ng mga yunit ng Philippine Army na narerekober at nahuhukay nitong mga armas ng BHB sa ibang prubinsya tulad ng Quezon, Camarines Norte at Camarines Sur.
The post Nahukay ng 59th IB na “armas ng BHB” sa Batangas, pinasinungalingan ng BHB appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

